Bumuo ng pasulat na komentaryo kaugnay ng sumusunod na tula.
Bumuo ng pasulat na komentaryo kaugnay ng sumusunod na tula.
TAON NG DUGO ni Mark Angeles (Likahaan 2018)
Taon iyon ng nilalangaw na dugo sa kalsada.
Naroon ako sa ikatlong baitang ng hagdan,
Nakahawak sa balustre, alanganing
Sampu ang edad. May mantsa ng dugong
Tumagos hanggang sa pundilyo ng salawal;
Batik ng dugong tila namukadkad. Nang una,
Akala ko’y tinamaan ako ng ligaw na bala
Habang inaalisan ng dugo, hasang, at lamanloob
Ang tulalang hasa-hasang iniutos sa aking bilhin;
O talsik iyon ng dugo ng isa na namang tulak
Na tinukhang o ng drayber ng traysikel na inutas
Sa terminal ng kung sinong mainit ang dugo
Dahil sa onsehan. Agad kong inalis ang panloob,
Umurong ang ilong sa lansa ng dugong sumaboy
At kumulo ang dugo sa pahiwatig ng katawan:
Ito ang kaganapan ng kasariang di kailanman
Inangkin, ang kaayusang dudulo sa kagampan
At pagsisimpan ng sarili kong dugo’t laman.
Buwan-buwan ko itong hihintaying dumating
At darating itong akyat-bahay na uhaw sa dugo.
Narito ako sa ikatlong baitang, palundag
Sa paanan ng hagdan, nagdurugo ang pusong
Maton. Nag-aalsa ang kalooban at di akin
Ang aking katawan, lumuha man ako ng dugo.
Taon iyon ng nilalangaw na bangkay sa bangketa.
Taon iyon na sampu-sampera ang padugo.

